Qing
中国国际广播电台

Ang Qing Dynasty, na itinatag ng lahing Jurchen (Manchu) ang pangalawang grupong etnikong naghari sa buong Tsina. Ito rin ang kahuli-hulihang dinastiyang piyudal sa kasaysayan ng Tsina. Sa panahon nga ito sumapit sa tugatog ng kapangyarihan at impluwensiya ang emperyong Tsino.

Ang mamamayang Jurchen na pinaniwalaang mga ninuno ng mga Manchu ay isang tribong lagalag na nanirahan sa karatig ng kasalukuyang rehiyon ng Lalawigang Heilongjiang. Sa pagtatapos ng mga taon ng Dinastiyang Ming (1368-1644), isang dakilang lider na nagngangalang Nurhachi ang lumitaw mula sa tribong Jurchen. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, mabilis na nagkaisa ang mga mamamayang Jurchen at noong 1616 ay itinayo niya ang Estado ng Later Jin na nagsasarili sa Ming. Noong 1636, binago ni Abahai, anak ni Nurhachi ang tawag sa dinastiya bilang Qing sa Shenyang samantalang pormal na idineklara ang digmaan laban sa Ming.

Noong 1644 nang masakop ng hukbong magbubukid na pinamunuan ni Li Zicheng ang lunsod Beijing ay nagpatiwakal si Emperador Chongzhen. Si Wu Sangui, isang komander ng Ming ay nakatalaga sa Pasong Shanhaiguan, pinamunuan niya ang hukbong Qing sa naturang paso. Sa tulong ni Dorgan, isa sa kanyang mga kansilyer at ni Fulin na anak ni Abahai ay nasakop niya ang Beijing sa taong iyon at inilipat doon ang kanyang kabisera pagkaraan ng apat na buwan. Tanda ito ng pag-umpisa ng paghahari ng Qing sa buong Tsina. Sa sumunod na sampung taon humigpit kumulang, ipinagpatuloy ng mga Manchu ang pagsugpo sa paglaban ng mga katutubo at sa wakas ay nabuwag nito ang kahuli-hulihang tagapagpanggap na Ming noong 1659 at unti-unting pinagbuklod ang buong bansa.

Napakamatagumpay ang Qing Dynasty habang may isang grupong etniko ang naghahari sa Tsina. Tumagal ito nang halos 300 taon at ang panahong itinagal ng pamumuno ay nahati sa dalawang panahon ng Digmaang Opyo (Opium War) na naganap noong 1840.

Sa maagang mga taon nito, nasaksihan ng Qing Dynasty ang isang kasaganaang walang kapantay sa alin mang panahon. Upang mapahupa ang paglaban-laban ng mga uri, ang Qing ay nagsagawa ng isang patakaran ng pagbibigay ng lupang linilinang kasabay ng pagbabawas o paglilibre ng buwis. Ang mga patakarang ito'y nagpasulong sa pagyabong ng ekonomiya sa interyor at sa hanggahan ng bansa. Sumapit sa panahon ng kasikatan ang Qing Dynasty sa panahon ng paghahari nina Emperador Kangxi (1622-1723), Yongzheng (1723-1736) at Qianlong (1736-1796). Umabot sa isang bagong tugatog ang pag-unlad ng ekonomiya noong kalagitnaan ng ika-18 siglo. Kasabay ng bagong kariwasaang ito'y naging mas sentralisado ang kapangyarihan, lumaki ang puwersang pambansa, mahusay na napanatili ang kaayusang panlipunan at umabot sa mga 300 milyon ang populasyon sa katapusan ng siglo. Sa panahon ng paghahari ni Emperador Kangxi, ang Taiwan ay naging bahagi ng bansa at naglagda ng Tratado ng Nerchinsk sa pagian ng Tsina't Rusya na nagtakda ng hanggahan ng dalawang bansa. Sa panahon naman ng paghahari ni Emperador Qianlong, ang Xinjiang ay nilangkap sa Tsina pagkaraang talunin ang mga Junggar at Uigur. Hindi lamang nalutas ng mga emperador ng maagang Qing Dynasty ang malaong sagupaan sa pagitan ng mga taong lagalag at ng mga magsasaka na nameste sa buong kasaysayan ng Tsina kundi gumawa rin ng isang seryeng mga hakbangin para mapaunlad ang ekonomiya, kultura at transportasyon sa mga purok hanggahan. Bunga nito, napatatag nila ang unipikasyon ng bansa at naglatag ng pundasyon sa mga hanggahang teritoryo ng makabagong Tsina.

Sa larangan naman ng literature, noong panahon ng paghahari nina Emperador Kangxi at Qianlong, may maraming dakilang akda ang nakompila, tulad ng Ensiklopedya ng mga Akdang Tsino (klasikang Confucian, kasaysayan, pilosopiya at mahuhusay na panitikan), Diksyonaryong Kangxi at Isang Koleksyon ng mga Matanda't Modernong Aklat; kasama ng iba pang mga akda'y gumawa ito ng mahalagang ambag sa kasaysaya't kultura ng Tsina.

Ang mga naghaharing Qing ay naging awtokratiko at despotiko sa kabila ng kapansin-pansing mga tagumpay na ito. Ang pambansang ekonomiya ay nakasalalay pa rin sa agrikultura. Sa larangan ng kultura at ideolohiya ay patuloy na nakapangingibabaw sa lipunan ang mga etikang piyudal at mga seremonya. Ang mas grabe dito'y pinag-uusig ng mga naghaharing Qing ang maraming intelektuwal, ipinagbabawal at sinisira ang mga adkang hindi tumutugon sa kanilang pagsang-ayon. Pagbubukod ang isinagawang patakarang panlabas ng Emperyong Qing. Konserbatibo at arogante ang gobyerno. Hindi ito sumama sa rebolusyong industriyal na kumakalat sa mga bansa sa kanluran. Ang nakalulungkot ay ang mga salik na ito ang umakay sa Tsina sa mas atrasadong kalagayan kaysa umuunlad na daigdig at walang salang lumawak ang puwang nito sa mga bansang kanluranin.

Pagkaraan ng panahon ng gitnang-Qing, nabigo ang dinastiyang gumawa ng pagsasaayos habang lumitaw ang mga bagong problema. Ang laganap na katiwalian, panayang desentralisasyon ng kapangyarihan, digmaan, mga rebelyon, labis na populasyon at mga kapahamakang pangekonomiya ay pumeste't gumambala sa minsa'y isang maluwalhating emperyo. Ang mga himagsika'y nangagsulputan parang kabuti pagkaraan ng ulan, isa sa mga ito'y ang pag-aalsa ng White Lotus Sect na tumagal nang siyam na taon na nagbigay-wakas sa hinintuang panahon ng Qing. Noong 1840, ika-20 taon ng paghahari ni Daoguang ay nagsimula ang Digmaang Opyo at ang isang sandatahang pananalakay sa Tsina ng mga kapitalistang dayuhan. Kaya napilitan ang gobyernong Qing na lumagda ng isang serye ng di-makatuwirang mga tratado na humininging isuko ng Tsina ang ilang teritoryo, magbayad ng mga bayad-pinsala at/o buksan ang mga puwertong pangkalakalan. Sa wakas, ang Tsina'y naging isang bansang semi-piyudal at semi-kolonyal. Sa panahong iyon, ang pakikitungo sa Tsina ng mga kapangyarihang kanluranin ay kakatwang magkakalungat. Sa isang dako, puspusang pinahihina nila ang ipinalalagay nilang restriktibong kalakalan at ang mga regulasyong pampamahalaan. Sa kailang dako nama'y puspusang sinusuhayan ang naghihinang Qing. Ang pinakamahalagang halimbawa nito'y nilupig ng mga tropang dayuhan ang Boxer Rebellion noong 1900. Ang gusto ng mga kapangyarihang Kanluranin ay paghiwa-hiwain ang Tsina para sa kanilang mga hangarin at ang kabalintunaa'y kailagan nilang panatilihing magkabuklod ang Tsina. Dahil sa bulok na pulitika at konserbatismo ay mabilis na dumalisdis ang Qing Dynasty. Habang humihina halos araw-araw ang lehitimidad nito ay nagpataw ang pamahalaang Qing ng mas maraming buwis para mabayaran kapuwa ang mga gugulin ng digmaan at ang binabalikat nitong mga bayad-pinsala. Ang kilos na ito'y nagpataw ng di-matitiis na pasanin sa sambayanan, lalo na sa mga magbubukod. Ang pananalakay mula sa labas at paniniil sa loob ng bansa ang nagpasiklab ng isang seryeng mga kilusang anti-piyudal at anti-imperyalista, gaya ng Taiping Rebellion at ng Nian Army Uprising o Pag-aalsa ng Hukbong Nian. Sa ganitong mga kalagayan, napilitan ang gobyernong Qing na magsagawa ng mga reporma, tulad ng Kilusan ng Pagpapalakas sa Sarili at ng Reporma ng Sandaang-Araw sa pagsisikap na maligtas at muling mabigyang lakas ang Tsina. Pero humantong sa tiyak na pagkabigo ang lahat ng mga hakbangin. Sa wakas, ang Rebolusyon ng 1911 na pinamunuan ni Dr. Sun Yat-sen ang umakay sa sambayanang Tsino sa pagpapabagsak sa mga imperyalistang Qing na naghari sa Tsina sa 268 taon.

Ang Qing Dynasty na nagsimula noong 1644 at tumagal nang 268 taon ay may 10 emperador lahat nang bumagsak ito. Kasunod ng paghapay nito, ang piyudalismo na tumagal nang mahigit 2000 taon ay sumapit na sa pagwawakas at pumasok ang nasyon sa isang bagong panahon--ang Republika ng Tsina (1911-1949).